Nagkasundo ang Pilipinas at Australia na mag-issue ng multiple-entry visas sa kanilang mga citizens na gustong magtrabaho habang nagbabakasyon.
Ito’y matapos lumagda sa memorandum of understanding (MOU) sina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo at Australian Ambassador to the Philippines Kyong Yu para sa “work and holiday” visa agreement
Sa ilalim ng MOU, papayagan ang mga turistang Pinoy at Australyano na makapagtrabaho habang nagbabakasyon upang makabawi sa kanilang mga gastos.
Bibigyan ng multiple entry visa ang mga bakasyunista na may bisa ng hindi lalampas sa isang taon o 12 buwan.
Ang work and holiday visa ay bukas para sa mga Pilipino at Australyanong edad 18-31 at nakapagtapos ng kolehiyo o kaya ay nakakumpleto ng 2 taong undergraduate study o post-secondary education.
Papayagan din ang visa holders na makapagtrabaho lamang sa buong panahon ng kanilang bakasyon at kailangang makatugon sa mga ipatutupad na mga panuntunan sa aspeto ng kalusugan, karakter at national security requirements at dapat ay mayroong medical insurance sa panahon ng kanilang bakasyon.
Walang itinakdang panahon kung hanggang kailan mananatili ang MOU, maliban na lamang akung ito ay tutuldukan sa pamamagitan ng diplomatic channels.
Ang MOU ay pinirmahan sa ginawang official visit sa Pilipinas ni Australian Prime Minister Anthony Albanese nitong September 8, 2023 sa Malacañang.